Statement of President Aquino upon his departure for Jakarta to attend the 18th ASEAN Summit, May 6, 2011

[Ihihayag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong ika-6 ng Mayo 2011]

Lilisanin po natin pansamantala ang ating bansa at tutungo sa Indonesia para dumalo sa 18th ASEAN Summit. Bahagi po ito ng pagkukumpuni sa ating bansa, na atin pong tahanan. At mahalaga po rito ang suporta ng ating mga kalapit-bayan sa Timog-Silangang Asya—sa pagtataguyod ng isang rehiyong lunsaran ng pagkakaisa at kanlungan ng mauunlad na komunidad ng mga bansa.

Mahalaga po ang pagpapalakas sa ating bilateral relations sa mga bansa sa ASEAN. Sa summit na ito, makikipag-usap po tayo sa mga pinuno ng ating mga karatig-bayan para pagtibayin ang ating pagtutulungan sa mga programang pangkaunlaran at pangkaligtasan. Sa ating pagkakasundo at pagbubuklod, lalo pang tataas ang ating kompiyansa na marating ang maayos at matiwasay na destinasyon.